Sa kakaunting oras ko na ginugugol sa panonood ng telebisyon ay madalas kong napapansin, at marahil ninyo din, ang mga patalastas na, ayon sa mga politikong andito, nagpapakita ng isang adbokasiya. Marahil alam na ninyo, o baka memoryado na, ang numero na kailangang tawagan pag may naaping OFW. Eh yung anim na taong gulang na bata na gusto mag artista at yung kuya niya, na labing tatlong taon, na gustong maging seaman, kilala na ba ninyo? At kung may kalamidad naman, siguro ay susundin na lamang ninyo yung letra ng apleyido ng isang tao para maiwasan ang kapahamakan. Pwede din naman na maghugas na lamang ng kamay para mawala ang mga mikrobyo na dahilan ng problema natin. O di kaya, ikaw mismo ang mag isip ng linya na sasabihin para sa patalastas na ito. Pero mas maganda kung sana sa buong bayan may ganito.
Oo, mga ser, kaibigan, at kababayan - nagsisimula nang umihip ang hangin ng eleksyon.
Sa loob na lamang na humigit kumulang na isang taon ay pipili na muli tayo ng mga lider na kakatawan sa ating mga pangarap, mithiin, at lalong lalo na sa ating bayan. Mga lider na magiging batayan kung ano ba talaga tayo bilang isang bansa – kung ano sila, ganoon tayo. Sa pamamagitan ng eleksyon ay naipapahatid natin sa paraang konstitusyonal ang gusto nating mangyari sa Pilipinas. Nasa munting papel na ating susulatan, ang ating dambuhalang minimithing kinabukasan para sa bansa. Sa bawat pangalan na isusulat natin sa balota ay ang ating buong pusong pagtanggap ng responsibilidad para sa kinabuksan ng bayan.
Noong unang beses akong bumoto, akala ko ay madali lamang ito. Pumunta lamang ako sa presinto ng maaga dala ang aking kodigo, ang iisang pagkakataon na pinapayagan ang kodigo sa loob ng paaralan, at kinopya ko lamang ang mga pangalan na nakasulat sa kodigo ko. Sabi ko pa sa sarili ko noon, “Ah, ah! Ganoon laang pala ang pagboto. Pagkakadali laang naman pala eh.” Ayun pala, mali ako.
Nagkataon na ang unang eleksyon na aking sinalihan ay ang presidential election noong 2004, hindi kasi ako nakarehistro para sa eleksyon ng 2001. Natatandaan ko pa na pinagtatalunan pa naming mag tatay kung sino ang iboboto. Sa totoo lamang ay ayaw niyang iboto si Gloria kasi mukha daw gahaman sa kapangyarihan, kayo na ang maghusga kung may katotohanan ito, ayun nga lamang, matagal tagal na rin siya sa gobyerno. Pero dahil ayaw niya naman manalo si FPJ, kasi hindi pa subok sa pamumuno sa kahit isang bayan man lang, ay mas pinili niya si GMA – na siya naman niyang binoto. Ito ang argumentong ginagamit niya sa akin - para daw mapabuti ang bansa. Natawa lang ako dahil kung ito ang sinasabi niyang magpapabuti ng kalagayan ng bansa – sabi nga ng mga matatanda sa Batangas, “Ay, pihong utas tayo diyan!” Alam naman natin ang naging resulta ng eleksyon na iyon, totoo man o hindi yung resulta. At ngayon, limang taon ang nakakalipas, ang resulta ng eleksyon na iyon ay nararamdaman pa rin natin hanggang ngayon.
(Hindi kasi natatapos ang eleksyon, para sa akin, sa paghulog mo ng balota sa kahon o kaya sa pagproklama ng mga nanalo, natatapos ito sa susunod na pagkakaton na boboto ka muli.)
Nakakatawang isipin na nagagalit tayo sa ating mga kasalukuyang lider. Nagagalit tayo sa mga taong namumuno ngayon na tiwali, gahaman, mandaraya, mandurugas, mandarambong, at kung ano pang mga salitang may relasyon sa mga nasabi na. Nagagalit tayo sa kanila kasi sinira nila ang ating mga pangarap, mithiin, at pag asa. Pero, teka, nagagalit ba talaga tayo sa kanila?
O nagagalit tayo sa ating mga sarili na nagluklok sa kanila sa kanilang kinatatayuan? Hindi kaya nagagalit tayo sa ating sarili dahil binoto natin sila dahil sikat lamang sila? (Tinatangkilik kasi ng karamihan kaya naman dumadami ang tumatakbong artista kahit na walang alam.) O di kaya galit tayo sa sarili natin dahil pinagbenta natin ang ating pangarap o, ang mas malma, ang pangarap pala ng ating bansa, para sa kakarampot na pera? Nagagalit tayo siguro kasi alam naman natin kung sino ang karapat-dapat iboto, pero dahil tayo mga ungas (oo, ungas! Ako, ikaw, siya- tayong lahat.) binoto natin yung alam nating sisira ng lahat na gusto natin – at ngayon tayo nagsisisi (pasensya na lang hindi pwede ang “I'm sorry” dito). Huwag nating isisi sa iba ang kahirapang tayo din ang may naglagay sa ating mga sarili – tayo ang may dahilan kaya dapat lamang na mag tiis tayo. O baka naman nakalimutan na naman natin na tayo ang bumoto sa kanila? (Ang pagkalimot at pagkakaroon ng maikling memorya ang totong sakit ng mga Pilipino.)
Sana naman ay natuto na tayo sa mga pagkakamali na nagawa natin. Sana naman ipagtuloy natin ang paghahanap at pag aasam ng mas magandang kinabukasan para sa bayan. Sana maisip natin na ang boto natin ay hindi para lamang sa indibidwal na bontante o sa kandidato, para ito sa ating lahat. Sana huwag lang natin ito makalimutan.
-----
Pasensya kung may kaguluhan bagong gising lang.
-----
For the record, si Raul Roco ang presidente na aking binoto noong 2004. Isang boto na aking pinagmamalaki at hinding hindi pinagsisihan.
-----
Pahabol:
Hindi ako sigurado kung tama ang nadinig ko pero sabi sa balita ay naglunsad ang mga artists ng isang konsyerto na ang tema ay: 365 days to change. Nakakatawa kasi kailangan mo pa bang maghintay ng ganoon katagal bago magbago? Bakit kaya hindi na lang simulan ngayon?
---
At kung magkaroon na naman ng anomalya, chillax pa din dapat kasi sa 2010 din ang [click here]