BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Tuesday, May 12, 2009

2010 : Nalalapit na pagbabago?

              Sa kakaunting oras ko na ginugugol sa panonood ng telebisyon ay madalas kong napapansin, at marahil ninyo din, ang mga patalastas na, ayon sa mga politikong andito, nagpapakita ng isang adbokasiya. Marahil alam na ninyo, o baka memoryado na, ang numero na kailangang tawagan pag may naaping OFW. Eh yung anim na taong gulang na bata na gusto mag artista at yung kuya niya, na labing tatlong taon, na gustong maging seaman, kilala na ba ninyo? At kung may kalamidad naman, siguro ay susundin na  lamang ninyo yung letra ng apleyido ng isang tao para maiwasan ang kapahamakan. Pwede din naman na maghugas na lamang ng kamay para mawala ang mga mikrobyo na dahilan ng problema natin. O di kaya, ikaw mismo ang mag isip ng linya na sasabihin para sa patalastas na ito. Pero mas maganda kung sana sa buong bayan may ganito.

 

            Oo, mga ser, kaibigan, at kababayan - nagsisimula nang umihip ang hangin ng eleksyon.

 

            Sa loob na lamang na humigit kumulang na isang taon ay pipili na muli tayo ng mga lider na kakatawan sa ating mga pangarap, mithiin, at lalong lalo na sa ating bayan. Mga lider na magiging batayan kung ano ba talaga tayo bilang isang bansa – kung ano sila, ganoon tayo. Sa pamamagitan ng eleksyon ay naipapahatid natin sa paraang konstitusyonal ang gusto nating mangyari sa Pilipinas. Nasa munting papel na ating susulatan, ang ating dambuhalang minimithing kinabukasan para sa bansa. Sa bawat pangalan na isusulat natin sa balota ay ang ating buong pusong pagtanggap ng responsibilidad para sa kinabuksan ng bayan.

 

            Noong unang beses akong bumoto, akala ko ay madali lamang ito. Pumunta lamang ako sa presinto ng maaga dala ang aking kodigo, ang iisang pagkakataon na pinapayagan ang kodigo sa loob ng paaralan, at kinopya ko lamang ang mga pangalan na nakasulat sa kodigo ko. Sabi ko pa sa sarili ko noon, “Ah, ah! Ganoon laang pala ang pagboto. Pagkakadali laang naman pala eh.[1] Ayun pala, mali ako.

 

            Nagkataon na ang unang eleksyon na aking sinalihan ay ang  presidential election noong 2004, hindi kasi ako nakarehistro para sa eleksyon ng 2001. Natatandaan ko pa na pinagtatalunan pa naming mag tatay kung sino ang iboboto. Sa totoo lamang ay ayaw niyang iboto si Gloria kasi mukha daw gahaman sa kapangyarihan, kayo na ang maghusga kung may katotohanan ito, ayun nga lamang, matagal tagal na rin siya sa gobyerno. Pero dahil ayaw niya naman manalo si FPJ, kasi hindi pa subok sa pamumuno sa kahit isang bayan man lang, ay mas pinili niya si GMA – na siya naman niyang binoto. Ito ang argumentong ginagamit niya sa akin - para daw mapabuti ang bansa. Natawa lang ako dahil kung ito ang sinasabi niyang magpapabuti ng kalagayan ng bansa – sabi nga ng mga matatanda sa Batangas, “Ay, pihong utas tayo diyan![2] Alam naman natin ang naging resulta ng eleksyon na iyon, totoo man o hindi yung resulta. At ngayon, limang taon ang nakakalipas, ang resulta ng eleksyon na iyon ay nararamdaman pa rin natin hanggang ngayon.

 

(Hindi kasi natatapos ang eleksyon, para sa akin, sa paghulog mo ng balota sa kahon o kaya sa pagproklama ng mga nanalo, natatapos ito sa susunod na pagkakaton na boboto ka muli.)

 

            Nakakatawang isipin na nagagalit tayo sa ating mga kasalukuyang lider. Nagagalit tayo sa mga taong namumuno ngayon na tiwali, gahaman, mandaraya, mandurugas, mandarambong, at kung ano pang mga salitang may relasyon sa mga nasabi na. Nagagalit tayo sa kanila kasi sinira nila ang ating mga pangarap, mithiin, at pag asa. Pero, teka, nagagalit ba talaga tayo sa kanila?

           

           O nagagalit tayo sa ating mga sarili na nagluklok sa kanila sa kanilang kinatatayuan? Hindi kaya nagagalit tayo sa ating sarili dahil binoto natin sila dahil sikat lamang sila?[3] (Tinatangkilik kasi ng karamihan kaya naman dumadami ang tumatakbong artista kahit na walang alam.) O di kaya galit tayo sa sarili natin dahil pinagbenta natin ang ating pangarap o, ang mas malma, ang pangarap pala ng ating bansa, para sa kakarampot na pera? Nagagalit tayo siguro kasi alam naman natin kung sino ang karapat-dapat iboto, pero dahil tayo mga ungas (oo, ungas! Ako, ikaw, siya- tayong lahat.) binoto natin yung alam nating sisira ng lahat na gusto natin – at ngayon tayo nagsisisi (pasensya na lang hindi pwede ang “I'm sorry” dito). Huwag nating isisi sa iba ang kahirapang tayo din ang may naglagay sa ating mga sarili – tayo ang may dahilan kaya dapat lamang na mag tiis tayo. O baka naman nakalimutan na naman natin na tayo ang bumoto sa kanila? (Ang pagkalimot at pagkakaroon ng maikling memorya ang totong sakit ng mga Pilipino.)

 

            Sana naman ay natuto na tayo sa mga pagkakamali na nagawa natin. Sana naman ipagtuloy natin ang paghahanap at pag aasam ng mas magandang kinabukasan para sa bayan. Sana maisip natin na ang boto natin ay hindi para lamang sa indibidwal na bontante o sa kandidato, para ito sa ating lahat. Sana huwag lang natin ito makalimutan.

 

-----

Pasensya kung may kaguluhan bagong gising lang.

 

-----

For the record, si Raul Roco ang presidente na aking binoto noong 2004. Isang boto na aking pinagmamalaki at hinding hindi pinagsisihan.

-----

 

Pahabol:

Hindi ako sigurado kung tama ang nadinig ko pero sabi sa balita ay naglunsad ang mga artists ng isang konsyerto na ang tema ay: 365 days to change. Nakakatawa kasi kailangan mo pa bang maghintay ng ganoon katagal bago magbago? Bakit kaya hindi na lang simulan ngayon?

 

---

At kung magkaroon na naman ng anomalya, chillax pa din dapat kasi sa 2010 din ang [click here]



[1]    Ganun lang pala ang pagboto. Madali lamang naman pala. “ah, ah!” isang ekspresyon ng pagkamangha.

[2]    Siguradong patay tayo diyan.

[3]    Oo, bumoto ako kay Vilma Santos hindi dahil sikat siya, pero dahil pinaganda niya at inayos niya ang Lipa.

13 comments:

voltaire lozada said...

sabi na 30 ka na eh...

voltaire lozada said...

sino ba ang nararapat? ang matalino? ang magaling magsalita? ang galing sa hirap? ang mula sa pamilyang pulitiko? ang mayaman? ang matapang?

puro pangako. ndi ko alam kun makakaranas tayo ng pagbabago. lahat tayo magkakaroon ng sari-sarili nating perspektibo ukol sa mga taong tatakbo. sa tatay mo, naiintindihan ko ang pinili nya. si gloria ang nagtapos, si fpj ay artista lamang. marami pang ibang tumakbo, pero parang sa laban ng MVP sa NBA, bakit ka pa boboto kei dwayne wade kun alam mo namang ang naglalaban lang talaga sa award na yan ay si lebron at kobe?

bagong sistema ang kailangan. tunay na rebolusyon. ndi ko nakikitang mangyayari xa sa bansa sa nalalapit na hinaharap. ayaw na ng tao. natatak na sa isip nila na ang pagluklok kei gloria ay isang "rebolusyon" at "sobra na" ang pagpunta sa kalsada upang iparinig ang adhikain ng mamamayan. nagawang kumbinsihin ng gobyernong ito na ginagawang dahilan ng mga aktibista ang "demokrasya" upang "manggulo" lamang, at walang silbi at ndi legal ang pagmartsa sa kalsada.

habang ndi nagbabago ang sistema, kakainin at kakainin pa rin ang mga pinuno natin sa naitanim nang sistema.

kung magkaisa na lang sila, baka may maidulot pang mabuti para sa bansa. pero lahat sila, mei kanya kanyang pangarap.

kaya ngayon, aasa na lang ulit tayo, at magtitiwala, na ang pipiliin ay totoong serbisyo at kinabukasan ng bansa ang inaasam. yun na lang naman ang maaari nating gawin, magtiwala. basta't wag nating sayangin ang boto natin. magtiwala na lang tayo na tama ang magiging mga desisyon ng ating mapipili para sa ating bansa.

voltaire lozada said...

tagalog ba laban? haha...

fleur altez said...

ngayong darating na eleksyon ko siguro mararanasan ang huwag bumoto ng isang tao para man lang maligtas ang kanyang kaluluwa. pero sa totoo lang, pakiramdam ko'y kelangan natin ang kanyang moralidad.

hay ewan ko ba.

Imon dreams of Anfield. said...

ang nararapat ay yung alam mong kakatawan sa gusto mong mangyari sa pilipinas, sa pagiging presidente man, sa pag gawa ng batas, o sa simpleng konsehal man. hindi kaso kung matalino, magaling magsalita, galing sa hirap, nag papadyak man, o matapang. ang kailangan yung taong may prinsipyo at handang unahin ang bayan bago ang sarili o ang partido. kumbaga handa siya at buo ang loob na isabuhay ang linya sa lupang hinirang na "ang mamatay ng dahil sa 'yo (bayan)!"

oo nga pala. kung tatakbo si vilma santos ng VP o senador sa 2010, wag ninyo siyang iboboto. tapusin muna niya yung 3 terms niya dito sa batangas :D

Imon dreams of Anfield. said...

ang sistema ay pinapatakbo ng mga taong bumoto. kung gusto natin mabago ang sistema, simulan natin sa pagboto ng tama.

sabi ko nga, "ang gobyerno ay corrupt hindi dahil sa corrupt ang mga namumuno. corrupt ang gobyerno dahil na rin sa mga tao."

:)

fleur altez said...

gawan niyo ng paraan yan mga lipenos.. XP

Imon dreams of Anfield. said...

nadepende talaga kay Ralph Recto kung san tatakbo si Gov. :p

naka depende din kay Ate Vi yung mga posisyon na tatakbuhan ng ibang politiko dito sa batangas eh.

Imon dreams of Anfield. said...

yung MAGITING!

hahahaa

fleur altez said...

ay naku, pakisabi kay Ralph Recto, batangas na muna ang ayusin.

fleur altez said...

ay naku, pakisabi kay Ralph Recto, batangas na muna ang ayusin.

Imon dreams of Anfield. said...

kaya nga siya natalo sa senado eh :p

Imon dreams of Anfield. said...

teka text ko lang :p